Mga Bantas ng
Pag-ibig
Erwin F. Deguiñon
.
Tuldok, wakas at dead end.
Katapusan ng simula
Simula ng katapusan
Matamis na mapait
Kasiyahang walang kawangis.
Biglang lumuha,
May naduwal,
May nabugbug,
May nagsaya.
Magsasaya ka na.
Ipinaubaya na.
( )
Panaklong, isaklong at naisali.
Dalawa lang dapat
Maging sa tingin ay tapat.
May espasyo sa gitna
Tatlo pala sila.
Nakihalo, nakisawsaw
Hinarap ngiti ng balaraw.
May suntukan,
May sabunutan.
Galit na ‘di mapawi,
Ngiti’y di nakita uli.
?
Tanong, itinanong at tinanong.
Ano ka, ano tayo?
Pati iyon ba tanong?
Tanong kong di masagot,
Ilan ba kaming kasangkot?
Totoo ba talaga?
Mahal kita!
Mahal mo ba ako?
Mahirap sagutin,
Alam natin.
Huwag ka ngang magsinungaling.
!
Padamdam, dinamdam at ipinaramdam.
Sandaling tuwa, sandaling saya,
May ngiti pang baon at iniuwi pa.
Ipinadamang init ng pag-ibig,
Ilang araw ang lumipas,
Pasan ko ang daigdig.
Padamdam mo’y nilipad,
Di ka makausad.
Dinaramdam mo itinaboy,
Sa tarangkahan ng baboy.
Pagdaramdam, dinaramdam, dadamdamin,
Bigo!
,
Kuwit, may kumuwit at naipit.
May kuwit sa ngalan mo,
May sumabit.
Sinong sumabit?
Sa ngalan kong may kuwit?
Kuwit na parang dagdag.
Di ba isa-isa dapat?
Bakit kami naging dalawa,
Naging apat?
Pag-ibig ay tapat?
Bakit apat?
Apat ba dapat?
Pag-ibig ba’y di sapat,
Kaya apat?
:
Tutuldok, tumuldok makalawa
Pataas at pababa.
Dala-dalawa,
Maaaring mas marami pa.
Ito’y may lista,
Isa, dalawa, tatlo ay etcetera.
Siya at ako na:
Paano ka na?
Idinagdag para magpaliwanag
Sa dahilan na nararapat.
Pag-ibig ba’y may paliwanag?
Paano kung ubos na ang liwanag?
At wala na ang linaw?
Pag-ibig ba’y ubos na?
;
Tuldok at kuwit,
May natapos at nagdugtong muli,
Di ko alam at di mawari.
Di malinaw, di rin mahati.
Natapos na’y di rin pala.
May dugtong pa at
Di rin nag-iisa.
Ah, mahal ko siya,
Pero mahal niya ay iba.
Magkasama kami,
Ngunit di para sa isa’t isa.
Gusto ko siya, mahal pa.
Sa iyo rin ay iba.
Paghiwalayin, maghiwalay na.
Bago lumala ang sugat niya.
any comment guys?
ReplyDeleteimpressive :)
ReplyDelete