Tuesday, November 7, 2017

PADASAL


Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw araw
At patawarin mo kami sa aming mga sala
Para nang pagpapatawad namin sa nagkakasalaan sa amin
At huwag mo kami ng ipahintulot sa tukso
At iadya mo kami sa lahat ng masama

Sa padasal nagsimula ang lahat at alam ko na sa padasal magtatapos ang lahat ng ito. Lunes, madilim-dilim na at ito ang oras ng padasal. Ikatlong araw na ito ng padasal para sa aking yumaong ina. At sa kadiliman ng gabi ang siyang oras na hinihintay ng isang halimaw na lubos kong kinakakatakutan. Ito ang oras na aking pinanghihilakbutan. Subalit ang oras na ito ang siyang aking kandungan.
 
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaing lahat
At pinagpala rin naman ang anak mong si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami'y mamamatay.
Amen

            Dinig na dinig ko ang bawat salitang binibigkas ng mga nagdarasal. Dinig na dinig ko na hindi lamang ang kaluluwa ni Inay ang pinagdarasal ng mga ito, sapagkat dama ng bawat hibla ng aking kalamnan ang lakas na dulot ng panalangin. Sa aking puso’y dama ko ang bawat sundot ng karayom na tumutusok at umuusig sa aking kaluluwa.

            “Aaaahhhhhh… uuummmhhhhh…”
            “SSShhhhiiitttttttt…. Aaaaaggghhhh….”
            “Mmmmyyyyy Goooodddd”

            Dinig ko ang mga ungol at mura ng isang lalaki. Kinamumuhian ko ang lalaking ito. Subalit kinababaliwan ng aking kalamnan. Kinasasabikan ko ang bawat sandali na hindi ko siya nakikita. Subalit kinasusuklaman ko ang bawat sandaling siya ang aking nakakapiling.

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaing lahat
At pinagpala rin naman ang anak mong si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami'y mamamatay.

            Ang bawat salitang binibigkas sa panalangin na ito ay tila karayom na sumusundot sa aking puso. Apoy na sumusunog sa bawat hibla ng aking kaluluwa. Tinik na bikig sa aking lalamunan sa aking bawat halakhak.

            “Maria, wala ka talagang katulad. Ikaw at ikaw lamang.” Wika ng lalaki.

            Nag-uunahan sa paglandas sa aking pisngi ang mga luha ng kalungkutan, luha ng kahungkagan at ang luha ng kamatayan. Hindi ko mapigil ang bawat patak nito. Tila may sariling utak na nag-uunahan sa pagpatak, nais kumawala mula sa matang nag-uumapaw sa halo-halong emosyon.

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaing lahat
At pinagpala rin naman ang anak mong si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami'y mamamatay.

            Tinig ito ng ale na siyang lider ng mga nagdarasal. Tinig niyang sumusundot sa aking konsensya. Patuloy na namimilisbis sa aking pisngi ang mga luha. Hindi mapigil, ayaw papigil at hindi masawata.

            “Tiyong tama na po. Para na po ninyong awa.”  Tanging nasabi ko sa lalaking nakakubabaw sa hubad kong katawan.

            “Hindi Maria! Hahaha!!!”  Halakhak nito. Hindi ko na mailarawan kung ano ang halakhak na iyon. Sapagkat sa wari ko, iyon ay halakhak ng isang demonyong sumisibasib sa bawat hibla at himaymay ng aking laman.

            Patuloy niyang pinagpipyestahan ang aking kalamnan - ang aking laman. At sa bawat ulos ng demonyong tumatarak ay siyang patak ng luhang kanina pa lumalandas sa aking mga pisngi. At sa pagtingala ko, ay aking nakita ang isang patalim.

            Tila ito isang mamahaling hiyas. Kumikinang sa aking paningin. Hinihikayat at inaakit akong hugutin ito. At sa nagdidilim kong isipan, hinugot ko ito at itinarak sa likod ng demonyong kanina pa bumababoy sa aking katawan.

            “Hindi kita mapapatawad sa pagnakaw mo sa aking kabataan. Sa pagsira mo sa aking kinabukasan!” Sabay tarak sa kutsilyong kumikinang sa talim.

            Saksak. Luha. Dugo.

            Dugo. Luha. Saksak.

            Luha. Saksak. Dugo.

            Saksak! Saksak!

Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw araw
At patawarin mo kami sa aming mga sala
Para nang pagpapatawad namin sa nagkakasalaan sa amin
At huwag mo kami ng ipahintulot sa tukso
At iadya mo kami sa lahat ng masama.


AMEN.